Noong unang panahon, noong ang mga bituin ay alitaptap pa lang sa bukid, ang araw ay namumuhay sa pagitan ng mga bundok, at ang buwan ay dalagang lagalag sa gubat; minsang tumingala ang Nag-iisa sa langit, unawit ng isang hiling kay Bathala: “Baguhin Ninyo ako. Tanggalin ang kadena sa aking mga kamay, bato sa aking mga paa; bigyan Ninyo ako ng gabing hindi kasing dilim, ng umagang hindi kasing ginaw.” At sinagot siya ni Bathala: “Ibibigay ko sa ‘yo ang iyong hiling kung tatanggapin mo ang alok kong sugal. Kailangan mong languyin ang pinakamalalim na Ilog ng Lungkot, kalaban ang pinakamatinding Alon ng Pighati at hindi ka dapat lumubog.” Kaya’t ang Nag-iisa ay lumusong sa tubig. Sinanay ang sarili sa hirap ng paghinga. Lumangoy patungo sa Dalampasigan ng Saya. At nang umahon siya mula sa kanyang sugal, kasama niyang umahon ang Pag-ibig—ang pagmamahal. Sa unang pagkakataon, ang Nag-iisa ay naging Nagmamahal. Magkasama nilang nilakbay ang bawat burol, parang at kapatagan; maligaya at may pangako ng walang hanggan… Pero nagbago ang anyo ng Pag-ibig. Naging pagod, galit, sinungaling, at mapagkimkim. Muling bumigat ang kamay at paa ng nagmamahal. Kasabay nito ay ang pagdating ng isang malaking unos na nilunod ang lupa sa baha. At sa gitna ng malakas na ulan ay hindi na matukoy ang mga nasira at nawala. Nang humupa na ang sigwa, kabilang ang puso sa nasalanta, kasama ang Pag-ibig sa nawala. Ang Nagmahal ay muling Nag-iisa. Pero pagkatapos ng maraming gabing kay dilim at umagang kay ginaw, sa wakas, muling napangiti siya! Tinawag muli si Bathala, lulusong muli sa tubig, susugal at susugal pa! Dahil hindi ba’t sapat na kabayaran ang sakit para sa pagmamahal? Hindi ba’t mas tinataya natin ang lahat kapag hindi tayo sumugal? (Juan Miguel Severo)
Una, napakatamis ng mga simula, ng mga umaga na ang bumubungad sa'yo ay ang kanyang mukha. Nag-aalmusal ka ng kilig at pag dating sa gabi ay baon mo siya hanggang sa paghimbing. Dito, dito mo matutuklasan ang tunay na kapangyarihan ng isang ngiti, ng ibang kamay na humahawi sa iyong buhok, ng mga mata na sumisisid sa iyong kaluluwa.
Pangalawa, napakadaling maging kampante, at masanay sa pagmamahal. Ang malunod sa kapangyarihan ng kami, ng tayo, ng atin. Pero paano naman ang kanya? Paano naman ang ako? Napakadaling malunod sa akalang ang iyo ay mananatiling iyo.
Pangatlo, mapapagod ka.
Pero pang-apat, ang tunay na pag-ibig ay hindi dapat sinusukuan, di ba?
Pang-lima, ang tunay na pag-ibig ay hindi parating sapat, kapag ang mga pakpak na binigay nito sa'yo ay bumigat at naging kadenang ni ayaw kang patayuin. Kapag ang langit na dati'y nilipad mo ay naging kulungan na, na nasa iyo naman ang susi at kandado pero ayaw mo pa ring panglisanin.
Pang-anim, ang pinakamabagsik mang apoy ay mamamatay. Maghanda ka sa sakit. Pero wag kang mag-aalaga ng galit.
Ito ang pang-pito, iiwanan kang puno ng sugat at pilat at paltos nito. Iiwanan ka nitong abo.
Pang-walo, maghanda ka sa wakas.
Pang-siyam, alam ko parang hindi ka pa talaga handa sa wakas. Wala naman kasi yatang nagiging handa sa wakas eh.
Pero pang-sampu, andyan ang wakas. Sa wakas mahalin mo pa siya, sa tingin, sa tanaw, mula sa abo na iniwan ng dati niyong apoy, mahalin mo pa siya.
Pero kapag ang pakpak ng dati nyong pag-ibig ay naging gapos na, kapag ang langit na minsan mong nilipad ay naging kulungan na, mahalin mo siya sa huling pagkakataon.
At pagkatapos, bitaw na.-Juan Miguel Severo
(ABS-CBN’s On the Wings of Love teleserye)
by Juan Miguel Severo
Noong iwan mo ako ng walang pasabi, o pangako ng pagbabalik, umiyak ako buong gabi. Umiyak ako nang sobrang tindi; kinailangan kong ibilad sa araw ang unan ko kinabukasan. Ang sarap pala sa pakiramdam ng patulugin ka ng sarili mong pag-iyak. Naisip ko, hindi pinakuluang dahon ng bayabas, o alak, ang sagot sa ganitong klaseng sakit. Luha ang pinakamabisang pang-langgas sa sugat ng puso.
Kaya… inaraw-araw ko ito.
Sinisimulan at tinatapos ko ang mga araw na binabalikan ang mga sugat na iniwan mo. Iniisa-isa ko ang mga alaala’t hinahanap kung saan sila bumaon dito sa puso ko. Nakakatawa. Ang akala ko noon, kung dumating man ang araw na ‘to, puro mga alaala ng away at hindi natin pagkakasunduan ang iintindihin ko, kasi ‘yun, mahirap gamutin; na sila, kahit ilang balde na ng luha ang aking pigain mula sa mga mata ko, magdurugo pa rin.
Pero mas nagdurugo ako para sa mga tawa mo. Mas nagdurugo ako sa mga patawa mo. Mas nagdurugo ako sa mga yakap mo, sa kung paanong ang balat ko ay parang nalalapnos kapag dahan-dahan mo akong hinahaplos at ang hininga ko ay nahahapo at kinakapos kapag niyayapos kita.
Nagdurugo ako noong umalis ka, pero mas nagdurugo ako sa unang gabi na pinili mong manatili. Nagdurugo ako noong gabing sabihin mo na ayaw mo na, pero mas nagdurugo ako noong gabing tanungin mo ako kung pwede pa ba? Nagdurugo ako noong gabing tinalikuran mo ako, pero mas nagdurugo ako na noong pagtalikod ko, nandun ka pa.
At nagdurugo ako. At nagdurugo ako. At nadudurog at nadudurog at nagdurugo pa rin ako sa alaala na ikaw pa ang mas naunang nagsabi ng, “Mahal kita.”
Mahal kita. Kung titignan nang maigi ang mga salitang isinulat ng mga sugat na iniwan mo, ‘yang dalawang ‘yan ang mababasa ko: Mahal kita. At sa inaraw-araw ng pagbibilad kong gan’to, nagmamanhid na sila. Mahal kita. At sa dinami-rami ng luha na pinang-langgas ko rito, naglalamig na sila. Mahal kita. At sa tinagal-tagal nitong kumikirot sa dibdib ko, medyo nakakasanay na. Mahal kita. At sa tinatagal-tagal ng panahon na ginugol ko sa gamutan, magsasara na sila. Magsasara, at magiging mga pilat na paulit-ulit kong mababasa at ang parati lang sasabihin ay mahal kita.
Mahal, kung magkita man tayong muli at tanungin mo kong muli kung pwede pa ba, ang hihilingin ko lang sa’yo ay mga bagong unan. Dahil ang lahat ng sa akin ay akala mo’y naulanan. Dahil lahat sila ay akin nang naiyakan at nag-iwan ng mga kwento natin. Ayaw ko nang matulog sa mga unang basa at malunod sa pagtulog sa alaala na mahal kita, mahal pala kita, na mahal pa rin pala kita. At sa wakas, hindi na kasing sakit ng dati.
Pero mahal, masakit pa.
Hindi pa.
Nakakatuwa ang dalawang salitang iyon.
Hindi pa.
Para ang gandang pakinggan sa umpisa.
Parang laging may paanyaya ng simula.
Kumain ka na ba? Hindi pa.
Napanood mo na ba ‘tong pelikula? Hindi pa.
Natikman mo na ba ‘to? Hindi pa e.
Natikman mo na ba ako? Hindi pa.
Hindi pa.
Parang laging may kasunod na “pero gusto ko sana.”
Parang nagsisimula ng maraming oo, tama, magsisimula.
May pangako ng isang simula.
Kaya siguro magandang pakinggan sa una dahil sa pinapangakong simula.
Pero hindi pa, sandali, huwag muna.
Mahal ko na ba? hindi pa.
Sandali, huwag muna,
mahal ko na ba? hindi kaya..huwag muna.
Tapos na ba? hindi pa, huwag sana.
Hindi pa.
Nagustuhan ko ‘tong dalawang salita dahil sa ibang pagkakataon para bang
may pangako na balang araw magiging hindi na.
Umaasa ka pa ba? Hindi na.
Naghihintay ka pa ba? Hindi na.
Masakit pa ba? Hindi na.
Mahal mo pa ba sya? Hindi na.
Tama. Wakas. Hudyat ng isang wakas.
Kaya siguro magandang pakinggan hanggang sa ngayon dahil sa hinuhudyat nitong pagwawakas,
hindi ba?
Umaasa ka pa ba? Hindi na.
Naghihintay ka pa ba? Hindi na.
Masakit pa ba? Hindi na.
Mahal mo pa ba sya? Hindi na.
Mahal mo pa ba sya? Hindi na.
Mahal mo pa ba sya? Hindi na.
Umaasa ka pa ba?
Umaasa ka pa ba?
Nakalimutan mo na ba sya? Hindi na.
Hindi na? Nakalimutan mo na ba siya?
Hindi pa.
Tangina.
Nagsimula pero ‘di tayo matapos- tapos sa hindi pa at hindi na.
Tangina. Isang letra lang ang pinagkaiba.
Wala pang isang segundo para isulat, isang pindot lang sa keyboard.
Tangina. Ang tagal na. Pero hanggang ngayon hindi pa.
‘Pag tinakpan mo nga ang letrang P magmumukha itong hindi na e.
Pero hindi pa.
Kung anu-ano na ang pinantakip ko pero gano'n pa din siya.
Kung anu-ano na ang pinambura ko, pero hanggang ngayon nasa simula pa.
Kung sinu-sino na ang nilapitan ko pero na sa'yo pa rin ang mga paa ko.
Na sa'yo pa rin ako.
Sabihin mo nga, gaano karaming salita pa ang kailangan kong isulat para mapalitan ang isang letra? Tangina.
Minsan, may nakapagsabi sa akin na ang hindi raw marunong magpatawad ay hindi makapagsusulat. Kaya mahal, sa pagkakataong ito, sa huling pagkakataon na magsusulat ako ng tula para sa’yo, gumawa tayo ng kasunduan. Patatawarin kita, pero patatawarin mo rin ako.
Patawarin mo ako sa hindi ko pagtahan at patatawarin kita sa hindi mo pagluha.
Patawarin mo ako sa hindi ko pananahimik at patatawarin kita sa hindi mo pagsasalita.
Patawarin mo ako sa hindi ko pag-alis at patatawarin kita sa hindi mo pananatili.
Patawarin mo ako sa hindi ko sa’yo paglimot at patatawarin kita sa hindi mo sakin pagpili.
Mahal, gumawa tayo ng kasunduan. Patatawarin kita, pero patatawarin mo rin ako.
Patawarin mo ako sa hindi ko pagbitiw at patatawarin kita sa hindi mo pagkapit.
Patawarin mo ako sa hindi ko paglayo at patatawarin kita sa hindi mo paglapit.
Patawarin mo ako sa hindi ko pagsuko at patatawarin kita sa hindi mo pagsugal.
Patawarin mo ako sa hindi ko pagkamuhi sa’yo at patatawarin kita sa hindi mo sakin pagmamahal.
Mahal, gumawa tayo ng kasunduan. Patatawarin kita, pero patatawarin mo rin ako. Para sa wakas ay matapos ko na itong tula na masyado nang matagal na nakatira dito at patawad kung magiging masyadong mahaba at marami masyadong buladas pero pangako.. huli na ‘to.
Ito na ang huling tula na isusulat ko para sa’yo. Mali. Ito na ang huling tula na isinulat ko tungkol sa’yo.
-Juan Miguel Severo
He’s too far from perfect but I love him without trying. He makes so much effort er'time he wants to see me, or even talk to me. He really understand the way i am being bipolar and whenever I’m on my moody days. I like the way how he treated my Friends and i so love it. He doesn’t fail to amuse me. He’s the only one who can handle my flaws, He knows how to make me laugh even when I don’t feel like smiling. I wish he knew how happy I am when I am with him. He believes in me even when I didn’t. I keep falling for him every single day. I can do whatever I want when I’m with him without receiving any judgement. I fell in love with him because of the million things he never knew he was doing. I know we’re too young and it’s still early to say this, but I really do pray and hope that he’s the one. Happy monthsary and I love you! :”> ♥ ♥ ♥
